Monday, August 15, 2011

Uri ng Babae sa Mata ng mga Lalaki

Posted by PinkManure at 12:05 PM 3 comments



Dalawa lamang ang uri ng babae sa paningin ng mga lalaki. sa maniwala man kayo o sa hindi. Upang malaman kung ano ang dalawang ito, ang pinakamagandang paraan ay ang magtanong ka sa mga lalaki.

Hindi bat 90% sa kanilang lahat ang nag-iisip na may dalawang uri lamang ng babae? Yung isang dapat paglaruan at isang dapat seryosohin? 

Paano nila napaghihiwalay ang babaeng dapat seryosohin at dapat paglaruan? Katulad din ba ito ng paraan kung paano pinaghihiwalay ng babae ang mga lalaking dapat pagkatiwalaan mula sa mga lalaking manloloko?

Anu pa man ang paraan nila, nauuwi rin iyan sa isang bagay-- ang mga babaeng seseryosohin ay yung mga inaalagaan at nirerespeto. Yung mga babaeng pinaglalaruan ay yung mga gagamitin, mga pampalipas oras hanggang sa dumating yung seseryosohin nila.

Paano mo iuuri ang sarili mo? Sa kasamaang palad, hindi babae ang nagdedesisyon sa bagay na iyan. Dahil sa pagiging babae, maski ang karapatan mong pumili kung saan ka lulugar sa lipunan ay tinanggal sa iyo ng lipunang ginagalawan mo.

Kaya ayoko sa isang lipunan na walang ibang kinikilala kundi ang lakas ng mga kalalakihan. Ayoko sa isang lipunang lalaki ang namimili, namumuno at nagdidikta.

Mula dito ang larawan.

Saturday, August 13, 2011

Para sa Chismosa.

Posted by PinkManure at 1:38 PM 1 comments



Mahilig ba talaga sa chismis ang babae?

Para sa akin, hindi… hindi lang babae ang mahilig sa chismis. Nagkakatalo na nga lang sa kung anong pinagchichismisan.

Bago ang lahat, bigyan muna natin ng kahulugan ang salitang chismis. Ano nga ba ang chismis? Kailan nga ba ito nauso? Ang mga ninuno ba natin ay nagchichismisan din? Nagchichismisan din ba ang mga hayop?

Kung iisipin hindi lahat ng chismis ay totoo. Pero hindi rin ibig sabihin nito na lahat dito ay hindi totoo. Meron talagang mga bunga lamang ng imahinasyon. Pero meron din namang may bahid ng katotohanan.

Ang chismis ay walang pinag-iba sa simpleng kwento… chismis lang ang tawag dito dahil hindi ka sigurado kung totoo ito o hindi. Para lamang silang alamat. Ang pinagkaiba lang ay personal mong kilala kung sino ang bida sa mga kwentong ito.

Chismosa ka ba? O may kilala kang chismosa? May pinaghihinalaang chismosa? Eto ang mga senyales na ikaw o ang kasama mo ay chismosa.

  • Kaya mong magmulti-task. Kahit may ginagawa ka, kaya mo pa ring makipagkwentuhan o pasimpleng makinig sa pagkikwentuhan ng mga tao sa paligid mo.

  • Malakas ang pandinig mo. Walang epekto ang ingay ng radyo, mga busina ng jeep o ang sigawan ng mga tao sa paligid mo. Magaling kang mag-block out ng “unwanted noises” sa paligid mo.

  • Malinaw ang mga mata mo. Kahit sa dilim nakikita mo ang mukha ng mga tao at lalong lalo na ang kanilang mga ginagawa.

  • Paborito mong linya ang “Alam mo ba?” at “May sasabihin ako sa iyo”. Isa pa ang “Wag mong sasabihin sa iba ha?” Kapag yan ang narinig mo, pumapalakpak na ang tenga mo sa tuwa.

  • Mahilig kang mang-usisa. Bakit meron kang ganyan? Bakit tumaba ka ata? Bakit pumayat ka? Tinatanong rin ito ng iba, ang kaibahan lang, inaasahan mong sasagutin ka nila.

  • Kabisado mo ang kilos at damit ng mga tao sa paligid mo. Alam mo kung may kakaiba sa isang tao o kung bago ang sapatos niya.

  • Hindi ka pa kilala ng isang tao pero alam mo na ang sikreto niya.

  • Mahilig kang makipagkaibigan at makipagkwentuhan. Tinuturing mong bestfriend mo ang isang taong kakikilala pa lamang sa iyo. Bibigyan mo siya ng mga walang kwentang sikreto mo, na hindi interesanteng ikalat, para magbigay rin siya ng sikreto sa iyo.

  • Marami kang opinion sa iba’t ibang tao. At lahat sila’y may masamang ugali.

  • Meron kang isang kaibigang chismosa. At nagtataka ka bakit nagkakasundo kayo.

  • Kapag dumadating ka, biglang tumatahimik ang mga tao.

  • Hindi ka naniniwala na totoo ang mga chismis na ikinakalat mo. Gusto mo lang talagang ipagkalat ito.

  • Kapag sinabihan kang chismosa ka, itatanggi mo at sasabihin mong, “Yun ang sabi sa akin.”
Mula dito ang larawan.

Friday, August 12, 2011

Unang Regla

Posted by PinkManure at 4:44 PM 1 comments



Natatandaan mo pa ba ang unang beses mong napatunayan mong babae ka?

Hindi yung sex, gaga. Yung unang beses na dumaloy ang dugo sa iyong salawal at nangamba ka na baka hindi ito normal, o baka naman natuwa ka dahil dalaga ka na. Naalala mo pa ba ang ginawa mo nun? Tapos nalaman mo sa magulang mo, teacher, ate, kamag-anak o kaibigan kung ano ba ang tawag dun: REGLA.

Sa akin, naalala ko. Dahil likas na ata sa akin ang pagiging mabagal pumick-up simula pa noon ay hindi ko naintindihan ang nangyayari. Basta ang alam ko nagtataka ako kung ano ba iyon. Hindi ko pa nga nakita yung dugo noon, napansin ko lang nung tuyo na siya.

Pero nung nalaman ko na yun na yun, ang una kong naisip ay, “Hindi na ko bata.” Oo, hindi ko naisip na “Yes, pwede na ko makipagsex” dahil sa totoo lang, nalungkot ako.

Bunso ako sa pamilya at sanay akong bata ako. Kung totoong may Neverland, siguro ninais kong sumama kay Peter Pan at doon na lamang tumira. Masarap maging bata. Maliban na lamang sa sapilitang pagpapatulog ng nanay ko tuwing hapon, hindi ko nanaising maging matanda.

Naging masyadong kumplikado ang buhay simula ng niregla ako. Una mahirap kumilos, pangalawa, masakit sa puson. At hindi totoo yung napapanood kong commercial sa TV na patalon-talon, pasayaw-sayaw at patumbling-tumbling kahit “meron” sila. Mga gago! Sinong niloko niyo?

Bukod doon, mahirap maging dalaga. Mahirap intindihin na normal ang paglaki ng dibdib mo, na napakanormal ng karimarimarim na mga tahiyawat na tumutubo sa mukha mo ng hindi mo alam kung bakit.

Alam nating lahat na mahirap maging matanda. Pero hindi ba ang nagpapahirap doon ay yung tanggapin na hindi ka na bata? Ganyan ang pakiramdam ko noong nagdalaga ako. Parang hindi na ko bata. AWWW…

Pero lahat naman dadaan dito, paunahan na lang. Kasi may ibang huli ng nagdadalaga. Ang swerte nila. Naging bata sila ng mas matagal kesa sa ibang babae.

Ang pagiging bata ay nasa pag-iisip. Pero hindi iyan naiintindihan ng mga tao. Para sa kanila, kapag dalaga ka na… umasal dalaga ka. Hindi ka na pwedeng maglaro ng manika. Hindi ka na pwedeng makipaghabulan. Dahil hindi ka na bata. Hindi ka na malaya. Dahil tanging mga bata lamang ang malaya sa panghuhusga ng lipunan.

 Mula dito ang larawan.

Makiuso: RH Bill, Divorce, Same Sex Marriage!

Posted by PinkManure at 12:50 PM 2 comments


RH Bill? Divorce? Same Sex Marriage?

Iba’t iba siguro ang mga isyung at siguro dapat magsulat ng iba’t ibang blog tungkol sa bawat isa sa kanila, ngunit dahil tamad ako, isang blog ang isusulat ko na magbubuod sa kanilang lahat.

Bakit ko pag-iibahin ang tatlong iyan kung iisa lang naman ang punto ng bawat isa sa kanila: Walang basagan ng trip.

Siguro nga maling gumamit ng condom. Siguro nga maling makipaghiwalay sa asawa. At siguro nga maling magpakasal sa kapwa mo lalaki o babae. Pero ano ba talaga ang mali sa lahat ng ito?

Imoral bang magplano ng pamilya? Imoral bang pigilin ang pagsilang ng isang anak na hindi pa naman nabubuo? Sabi sa isang palabas na napanood ko na itatago natin sa title na Supernatural.

“There’s a big difference between dying and not being born.”

Imoral bang iwan ang isang taong nananakit sa iyo? Masisisi ka ba ng iyong mga anak kung iwan lalaking walang ibang ginawa kundi paduguin ang ilong mo? Hindi ba maiintindihan ng mga anak mo kung umalis ka? Iisipin ba nilang makasarili ka?

Imoral ba kung naisin mong makasama ang taong minamahal mo at nagmamahal sa iyo? Imoral ba na magmahal ng taong dinidikta ng lipunan na hindi para sa iyo? Imoral bang magpakatotoo ka?

Ano ba talaga ang tama? Paano ba natin nasabing “mali” ang mga bagay na ito? Dahil ba sa totoong mali sila o dahil sa hindi sila ang nakagawian nating mga sitwasyon?

Baliktarin natin ang mundo. Kung lahat ng bagay na bawal ngayon ay “tama” at “normal”, magbabago na ba ang pananaw mo?

Mag-isip ka. Huwag kang makiayon dahil lamang sa sinabi ng magulang, kapatid, kaibigan, lipunan, simbahan, gobyerno o kung sino mang tao ang na maaring mag-impluwensya sa iyo.

Kung hindi mo susubukang mag-isip kabilang ka na rin sa mga taong bumabatikos ng walang laman. Mga taong makarelate lang. Mga taong masyadong kumakapit sa paniniwala nila kaya’t wala ng pakialam kung makatapak ng iba. Mga taong nakikiuso. Mga taong mahilig mambasag ng trip ng iba.

Mula dito ang larawan.

Thursday, August 11, 2011

Friends pa rin tayo ha?

Posted by PinkManure at 12:20 PM 2 comments



To be friends or not to be friends?

Isang malaking tanong ang karaniwang gumugulo sa mga kababaihan na dumadaan sa serye ng malulungkot na pangyayari sa kanilang buhay pag-ibig.

Madalas ito ang linya ng mga taong sangkot sa gulong ito, “Friends pa rin tayo ha?”

Kapag sinasabi sa akin ito ang tanging nais kong isagot ay, “Bakit?”

Kailangan pa ba iyon? Para saan? Bakit hindi na lang tayo maging “hindi magkaibigan”? Bakit ko pipiliing kaibiganin ka? Para saan pa?

Pero madalas hindi ko ito sinasabi dahil ako mismo’y takot pag-isipan na “bitter” ako. Kaya kapag tinanong ako ng isang napakatangang tanong na iyan, ang tanging naisasagot ko lamang ay, “Syempre naman.”

Ngunit hindi ibig sabihin nito ay totoo ito.

Bakit katangahan ang pakikipagkaibigan sa mga taong tinatawag nating “ex”?

Hindi ko sinasabing hindi ka pwedeng makipagkaibigan muli sa kanila, ngunit ang gawin silang kaibigan agad-agad matapos ng masalimuot na paghihiwalay ay isang malaking katangahan.

Una sa lahat, ito ay dahil alam mong hindi lang basta “friendship” ang gusto mo. Alam mo sa sarili mo na kaya gusto mo siyang maging kaibigan ay dahil hindi mo siya kayang mawala sa buhay mo. At hindi ito makakatulong sa tinatawag nating “moving on”.

Madalas ang pagiging magkaibigan matapos ang isang relasyon ay ginagawang palusot ng kababaihan upang mapalapit muli sa lalaking minahal nila.

Kailan mo masasabing handa ka ng maging kaibigan siya? Kapag kaya mo ng sagutin ang  “OO” ang mga sumusunod na tanong:

  • Pagkakaibigan lang ba talaga ang habol ko?
  • Hindi ba ako umaasang magkakabalikan kami?
  • Hindi ko ba ginagawang dahilan ang pagkakaibigan na ito para lang mahalin niya ulit ako?

Napag-isip ka ng mga tanong na iyan hindi ba? Maging totoo ka sa iyong sarili. Sagutin mo iyan ng buong puso mo. Huwag mong lokohin ang sarili mo.

Kung magiging kayo ulit, edi okay. Masaya. Pero wag kang umasa. Sa huli pinahiya mo lang ang sarili mo. Masasaktan ka ulit, at iisipin mong dahil ito sa kanya… ngunit ang totoo, nagpaasa ba talaga siya o umasa ka lang talaga?

 Mula dito ang larawan.

Wednesday, August 10, 2011

Virginity, Uso Pa Ba Yon?

Posted by PinkManure at 4:03 PM 2 comments


Sa Katolikong bansa na tulad ng Pilipinas, ang pagiging birhen *virginity* ay isang napakahalagang aspeto na nagdidikta sa buong pagkatao ng isang babae. 


Dahil sa bansang ito, itinuturing na imoral ang pakikipagtalik bago angkasal at ang sinumang sumusuway dito ay "madumi" o "mababaw" na babae ayon sa simbahan. Imoral ang tawag sa kanila. Utos ng Diyos na magpakasal bago pa man makipagtalik. OO UTOS ITO NI BRO.


Kung totoong utos ito ni "Bro"... bakit kaya babae lamang ang nakakaramdam ng ganitong panghuhusga sa mata ng samabayanan? Bakit kaya sa tuwing malalaman ng mga tao na nakipagtalik ang dalagang si Juana sa isang binata, ay napakalaking usapin na ito. Samantalang ang kaedad niyang si Juan na nakipagtalik na sa limang babae ay ni hindi man lamang maisipan ng masama.


Tatanggapin na lang ba natin ang dahilan na, "Lalaki kasi siya."?


At ang lalaki ay ligtas sa impyerno ng kasalanan? Malamang tanggap natin na sadyang hindi pantay ang pagtingin ng mundo sa babae't lalaki. Ngunit hindi ito tungkol sa masaklap na katotohanan na iyan. Isinulat ko ito para sabihin sa mga kapwa ko babae na:


HINDI ANG PAGIGING BIRHEN ANG MAGDIDIKTA NG IYONG PAGKATAO.


Nawala mo ito sa isang lalaking hindi ka pinahalagahan at ngayon pakiramdam mo wala ng iba pang mag-iinteres sa iyo? Bakit? Iyon lang ba ang kaya mong ibigay? Wala ka bang magandang pagkatao? Wala ka bang magandang ugali? Hindi mo ba kayang magmahal ng totoo?


Importante ito, oo. Pero naniniwala akong ang lalaking tunay na nagmamahal ay magagawang tanggapin kung anong meron sa iyo.... at kung anong nawala na sa iyo. 


Ilang beses ko na siguro nasabi ito, pero sasabihin ko ulit. Sa mga babaeng nakakabasa nito, huwag na huwag mong ituring na kawalan ang isang bagay na ibinigay mo ng buong buo sa isang taong minahal mo ng totoo. Maaring hindi ka nga niya minahal at yun lang ang habol niya sa iyo, pero hindi mo kasalanan iyon.


Lagi mong iniisip na kasalanan mo kung bakit hindi ka minamahal, sineseryoso, pinapanagutan ng lalaki. Pero iisa lang ang kasalanan mo. Ang pinakamalaking kasalanan ng mga babae ay ang akuin ang mga kasalanang ginawa ng mga lalaki sa kanila






Mula dito ang larawan.

New Religion

Posted by PinkManure at 10:00 AM 1 comments

May dalawang bagong uri ng relihiyon sa mundo ngayon.



Ang isa’y, nananampalataya sa isang “miracle boy wizard” na misteryosong nabuhay matapos tangkain patayin ng pinakamalakas at pinaka-basag trip na wizard na tulad ng ibang malakas at masamang wizard ay walang ibang hangarin kundi ang mangwasak ng buhay ng ibang tao upang mapatunayan sa sarili niya na siya ang pinakamalakas na nilalang sa mundo-- katulad ng mga super villains sa pelikula.


Ang pangalawa’y, nananampalataya sa pag-ibig… ng isang  napakasimple at lampang babae sa isang maputi, gwapo at perpektong lalaking… na ang tanging kapintasan lamang ay umiinom siya ng dugo. Pero dahil sa mga iba pang nasabing magandang katangian ay naging “asset” niya ito.

At hindi pa diyan natatapos ang lahat dahil sa ilalim ng relihiyong ito ay umusbong ang isa namang sekta na nananampalataya sa mga lalaking may magandang abs… at magandang abs.

Matagal na akong hindi Katoliko. Sumapi na lang kaya ako sa kanila? Saan ba mas maganda?

Mula dito at dito ang mga larawan.

Tuesday, August 9, 2011

Paano ba manglait ang lalaki?

Posted by PinkManure at 2:15 PM 3 comments
Paano ba manglait ang mga lalaki?

Hindi tulad ng mga babae na kapag pangit ang damit, buhok o make-up ng kaibigan nila, diretso nila itong masasabi sa kanya, ang mga lalaki ay may kakaibang paraan ng panglalait sa mga babae.

Kadalasan, mas magaling pa silang manglait kesa sa mga babae dahil hindi ata likas sa kanila ang pumuna ng kapintasan ng ibang tao, bukod na lang kung kapwa lalaki rin ito.

Ito ang ilang tagpo kung saan sadyang nakakapagpataas ng kilay ng mga kababaihan at hindi malabong bumuo ng intensyon na manampal o mag-dirty finger.

SCENARIO 1

Nagbago ka ng hairstyle (nagpagupit, nagpakulay, nagpakulot, nagpastraight). Pagkapasok mo sa opisina with your shampoo-commercial hair, ang tangi lamang niyang nasabi sa iyo ay:

Reaction: Anong nangyari sa buhok mo?

SCENARIO 2

Hinding hindi ka nagpapalda dahil para sa iyo pinapahirapan mo lang ang sarili mo na magsuot ng mga bagay na hindi ka naman kumportable, pero dahil makulit ang nanay mo na ibinili ka ng floral dress, pumasok ka sa opisinang naka-dress.

Reaction: Magsisimba ka ba?

SCENARIO 3

Hindi ka talaga nagmimake up. Kung magmimake-up ka man, powder at lipgloss lang. Sadya kasing hindi ka palaayos at naniniwala ka sa natural beauty. Pumasok ka isang araw ng naka-eyeshadow at naka-blush on.

Reaction: Ano ba yang nasa mukha mo?! *concerned tone*

SCENARIO 4

Bumili ka ng bagong dress! Ang saya saya mo dahil feeling mo ang ganda ganda mo sa damit na ito. Babaeng babae ang pakiramdam mo. Kulang na lang maglagay ka ng bulaklak sa tenga mo at tumakbo takbo sa mga palayan. Nung makita ka ng boyfriend mo…

Reaction: Bakit naka-duster ka na naman?

SCENARIO 5

Nangahas kang magsleeveless dahil pakiramdam mo ay pumayat ka na naman dahil sa pagpapagutom mo ng ilang buwan. At bukod pa dun, pumuti na ang kili-kili mo. Kaya, OO kering keri mo na ang pagsusuot ng sleeveless!

Reaction: Wala ka bang blazer o jacket?

SCENARIO 6

Hindi ka naman talaga malambing. Pero dahil monthsary niyo, naisipan mong ipagluto siya kahit hindi ka naman talaga marunong magluto. Pero espesyal ang araw na ito kaya nagpaturo ka pa sa nanay o ate mo para magluto. Disente naman ang kinalabasan. Pero hindi pa rin sobrang sarap. Nung pinakain mo ito sa kanya.

Reaction: Sarap naman nito, baby. Paabot naman niyang salt, pls.

Simpleng mga tagpong nakakapanginig ng laman di ba? Dahil diyan, mas gusto ko kung paano manglait ang babae. Tatagos man sa laman, at least sigurado kang kung ano ang sinabi niya, iyon talaga ang ibig sabihin niya.


Luv 4 Sale!

Posted by PinkManure at 9:14 AM 0 comments



Ang pagmamahal ay para lamang pagtatayo ng isang negosyo.

Sugal ang pamumuhunan. Ibibigay mo ang lahat ng iyong makakaya para sa isang produkto o serbisyo ngunit hindi ka rin naman sigurado kung papatok ba ito.

Puhunan ang tawag sa bagay na handa mong ibigay o isugal at kahit mawala ito sa iyo ay hindi masisira ang moral mo na magnegosyo.

Ang matalinong negosyante, kapag nabawi na ang puhunan, kapag nakakuha na ng kumisyon, gagamitin ulit ito para ipagpatuloy ang negosyo. Kung sakaling nalugi, hindi nila ipipilit na ipagpatuloy ang negosyo.

Tayo ang namumuhunan sa pagmamahal. Sinusugal natin ang puhunan na tiwala, pag-ibig sa isang tao ng hindi natin sigurado na mamahalin din tayo.

Hindi totoo ang sinasabi ng iba na ang tunay na pag-ibig ay pinaglalaban hanggang sa huli. Ngunit hindi rin totoo ang sinasabi nila na kung mahal mo palayain mo. Naniniwala akong kung mahal mo ang tao, ipaglalaban mo ito… pero hanggang sa isang punto lang. Dahil dapat ka ring tumigil kapag sobra na.

Matalino ka kung alam mo kung hanggang saan ka lang lalaban. Alam mo kung kailan ka hihinto at kailan ka susuko. Dahil hindi lahat ng pinaglalaban mo ay tama.

Hindi maaring iahon mo ang negosyong palugi na. Hindi mo maaring buuhin ulit ang relasyong nasira na. At lalong hindi mo pwedeng ipilit sa isang taong mahalin ka niya lalo na’t hindi ka na niya mahal.

Ang mga bagay na ipinipilit ay nakakasakit lamang. Wag mong ipilit ang ayaw. Dahil ang ayaw kahit kailan ay hindi papayag.

Bakit nasasaktan ang mga tao sa pag-ibig? Dahil hindi lahat sa atin ay magaling na negosyante. Marami sa atin, kahit nalulugi na… tuloy tuloy pa rin sa pagbibigay ng puhunan hanggang sa wala ng matira pa sa kanila.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
 

Pink Manure Copyright © 2010 Design by Ipietoon Blogger Template Graphic from Enakei