Tuesday, August 9, 2011

Luv 4 Sale!

Posted by PinkManure at 9:14 AM



Ang pagmamahal ay para lamang pagtatayo ng isang negosyo.

Sugal ang pamumuhunan. Ibibigay mo ang lahat ng iyong makakaya para sa isang produkto o serbisyo ngunit hindi ka rin naman sigurado kung papatok ba ito.

Puhunan ang tawag sa bagay na handa mong ibigay o isugal at kahit mawala ito sa iyo ay hindi masisira ang moral mo na magnegosyo.

Ang matalinong negosyante, kapag nabawi na ang puhunan, kapag nakakuha na ng kumisyon, gagamitin ulit ito para ipagpatuloy ang negosyo. Kung sakaling nalugi, hindi nila ipipilit na ipagpatuloy ang negosyo.

Tayo ang namumuhunan sa pagmamahal. Sinusugal natin ang puhunan na tiwala, pag-ibig sa isang tao ng hindi natin sigurado na mamahalin din tayo.

Hindi totoo ang sinasabi ng iba na ang tunay na pag-ibig ay pinaglalaban hanggang sa huli. Ngunit hindi rin totoo ang sinasabi nila na kung mahal mo palayain mo. Naniniwala akong kung mahal mo ang tao, ipaglalaban mo ito… pero hanggang sa isang punto lang. Dahil dapat ka ring tumigil kapag sobra na.

Matalino ka kung alam mo kung hanggang saan ka lang lalaban. Alam mo kung kailan ka hihinto at kailan ka susuko. Dahil hindi lahat ng pinaglalaban mo ay tama.

Hindi maaring iahon mo ang negosyong palugi na. Hindi mo maaring buuhin ulit ang relasyong nasira na. At lalong hindi mo pwedeng ipilit sa isang taong mahalin ka niya lalo na’t hindi ka na niya mahal.

Ang mga bagay na ipinipilit ay nakakasakit lamang. Wag mong ipilit ang ayaw. Dahil ang ayaw kahit kailan ay hindi papayag.

Bakit nasasaktan ang mga tao sa pag-ibig? Dahil hindi lahat sa atin ay magaling na negosyante. Marami sa atin, kahit nalulugi na… tuloy tuloy pa rin sa pagbibigay ng puhunan hanggang sa wala ng matira pa sa kanila.

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
 

Pink Manure Copyright © 2010 Design by Ipietoon Blogger Template Graphic from Enakei