Saturday, August 13, 2011

Para sa Chismosa.

Posted by PinkManure at 1:38 PM



Mahilig ba talaga sa chismis ang babae?

Para sa akin, hindi… hindi lang babae ang mahilig sa chismis. Nagkakatalo na nga lang sa kung anong pinagchichismisan.

Bago ang lahat, bigyan muna natin ng kahulugan ang salitang chismis. Ano nga ba ang chismis? Kailan nga ba ito nauso? Ang mga ninuno ba natin ay nagchichismisan din? Nagchichismisan din ba ang mga hayop?

Kung iisipin hindi lahat ng chismis ay totoo. Pero hindi rin ibig sabihin nito na lahat dito ay hindi totoo. Meron talagang mga bunga lamang ng imahinasyon. Pero meron din namang may bahid ng katotohanan.

Ang chismis ay walang pinag-iba sa simpleng kwento… chismis lang ang tawag dito dahil hindi ka sigurado kung totoo ito o hindi. Para lamang silang alamat. Ang pinagkaiba lang ay personal mong kilala kung sino ang bida sa mga kwentong ito.

Chismosa ka ba? O may kilala kang chismosa? May pinaghihinalaang chismosa? Eto ang mga senyales na ikaw o ang kasama mo ay chismosa.

  • Kaya mong magmulti-task. Kahit may ginagawa ka, kaya mo pa ring makipagkwentuhan o pasimpleng makinig sa pagkikwentuhan ng mga tao sa paligid mo.

  • Malakas ang pandinig mo. Walang epekto ang ingay ng radyo, mga busina ng jeep o ang sigawan ng mga tao sa paligid mo. Magaling kang mag-block out ng “unwanted noises” sa paligid mo.

  • Malinaw ang mga mata mo. Kahit sa dilim nakikita mo ang mukha ng mga tao at lalong lalo na ang kanilang mga ginagawa.

  • Paborito mong linya ang “Alam mo ba?” at “May sasabihin ako sa iyo”. Isa pa ang “Wag mong sasabihin sa iba ha?” Kapag yan ang narinig mo, pumapalakpak na ang tenga mo sa tuwa.

  • Mahilig kang mang-usisa. Bakit meron kang ganyan? Bakit tumaba ka ata? Bakit pumayat ka? Tinatanong rin ito ng iba, ang kaibahan lang, inaasahan mong sasagutin ka nila.

  • Kabisado mo ang kilos at damit ng mga tao sa paligid mo. Alam mo kung may kakaiba sa isang tao o kung bago ang sapatos niya.

  • Hindi ka pa kilala ng isang tao pero alam mo na ang sikreto niya.

  • Mahilig kang makipagkaibigan at makipagkwentuhan. Tinuturing mong bestfriend mo ang isang taong kakikilala pa lamang sa iyo. Bibigyan mo siya ng mga walang kwentang sikreto mo, na hindi interesanteng ikalat, para magbigay rin siya ng sikreto sa iyo.

  • Marami kang opinion sa iba’t ibang tao. At lahat sila’y may masamang ugali.

  • Meron kang isang kaibigang chismosa. At nagtataka ka bakit nagkakasundo kayo.

  • Kapag dumadating ka, biglang tumatahimik ang mga tao.

  • Hindi ka naniniwala na totoo ang mga chismis na ikinakalat mo. Gusto mo lang talagang ipagkalat ito.

  • Kapag sinabihan kang chismosa ka, itatanggi mo at sasabihin mong, “Yun ang sabi sa akin.”
Mula dito ang larawan.

1 comments:

xerlynjoy said...

wahaha, so tsismoa ako? bukod dun sa tumatahimik ang mga tao kapag dumarating ako, hoho. tsismosa nga ako, lalong-lalo na dun sa "hindi ka pa kilala ng isang tao pero alam mo na ang sikreto niya" hahaha

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
 

Pink Manure Copyright © 2010 Design by Ipietoon Blogger Template Graphic from Enakei