Wednesday, September 28, 2011

Dalawang Meatloaf Sandwich

Posted by PinkManure at 10:26 AM
Mahilig ako sa meatloaf. Kaya kahapon nung nagluto ng meatloaf para sa agahan, nagtago ako ng dalawang slice para gawing sandwich na ibabaon ko sa office.


Bagyo. Pumasok ako ng opisina ng maaga. Pagdating ko dun, brownout. Walang pasok. Yehey!


Nung papauwi na ako, nakita ko yung isang matandang babae na nagtutulak ng kariton palabas sa parking lot ng opisina namin. Nilipad yung plastik na pinangtatakip niya sa mga karton niya para hindi mabasa. Hindi niya maitulak yung kariton dahil sa lakas ng hangin, bukod pa ito sa mabigat ito.


Hindi naman maulan, sobrang lakas lang talaga ng hangin. Hindi na nga ako nagpayong dahil baka matangay pa ako ng hangin.


Natigilan ako nung nilipad yung plastik ng tarapal niya. Hindi niya alam kung hahabulin ba niya yung plastik o itatabi niya muna yung kariton niya o kung paano niya ba itutulak yung kariton niya. Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung ano ang gagawin ko.


Lagi kong nakikita ang matandang babaeng ito. Araw-araw sa tuwing maaga akong nakakapasok, siya ata yung kumukuha ng mga karton at papel sa office namin. Madalas andun siya sa labas ng parking lot tapos pag nakikita niya ako, tinatanguan niya ako tapos ngumingiti siya, kahit wala na siyang ngipin... bukod pa dun wala rin siyang isang mata. Nabulag ata yung kaliwa niyang mata, hindi ko alam kung bakit.


Nakatitig ako sa kanya. Siguro nakita rin ako nung kaopisina kong lalaki... na nakakapote. Kaya siguro nainspire din siyang tulungan yung ale. Hinila niya yung kariton papasok sa parking lot namin. Wala namang pasok kaya walang lamang kotse yun, kaya siguro okay lang na dun muna siya. 


"Nay, dito lang muna kayo. Lakas ng hangin." sabi ko.


"Yung tarapal ko." sabi niya. Nilipad na kasi yung plastik sa kabilang kalsada. At masyado na siyang mahina para habulin pa yun. Alam ko, kasi napapansin kong mabagal siya magtulak ng kariton.


Nakiusyoso sa amin yung iba kong officemates. Hindi sila lumapit pero andun sila, nakatanaw. Lumapit yung guard sa amin. "Anung problema?"


"Yung tarapal ni nanay. Nilipad." sagot ko.


"Ah oo, mababasa yung mga karton niya. Kawawa naman si nanay. Teka ako na kukuha." Umalis sandali si kuya para kumuha ata ng payong.


Ako? Anung ginawa ko? Wala namang pasok. Uuwi na ako. May baon akong dalawang sandwich. Iniabot ko lahat kay nanay, "Nay, pang-almusal niyo po."


Kinuha niya ito, "Salamat. Salamat."


Curious na ako sa buhay niya noon pa mang nakikita ko na siya kapag pumapasok ako. Kaya nagsimula akong mag-usisa.


Ako: Bakit po kayo nagtatrabaho na e matanda na kayo?


Siya: Kelangan ko kasi ng gamot.


Ako: Ah anu po ba sakit niyo?


Siya: Sakit sa puso. Saka sa kidney.


Ako: E bakit po kayo pa nagtatrabaho? Wala po kayong anak?


Siya: Meron. Apat mga anak ko.


Ako: Asan po sila?


Siya: Patay na.


Ako: E sino na lang po kasama niyo?


Siya: Wala. Ako na lang mag-isa.

Ako: San po kayo nakatira?


Siya: Dito. Dito lang sa kariton na to.


Hindi ko kinayang magtanong pa. Ayoko na eh. Naiiyak na rin ako kaya matapos maibalik nung guard sa kanya yung plastik niya at matapos kong sabihin sa kanya na, "Sige po nay. Kainin niyo po yung binigay ko ah. Ingat po kayo." umalis na ako.


Ayoko namang makita niya na naawa ako sa kanya. Hindi ko hahayaang madagdagan ng self-pity yung nararamdaman niya.... pero p*tangina! Naisip ko asan ba ang gobyerno dito?? Bakit may mga taong ganun? Bakit may mga taong nagpapakasasa sa pera, tapos may mga matandang kelangang mangalakal ng basura para lang makabili ng gamot nila?


Nakakatawa pero mas "okay" pa sana kung sasabihin niyang may mga apo siya. Kasi atleast alam ko, may mga kasama siya. May mag-aalaga sa kanya. May maghihintay sa pag-uwi niya. Pero wala eh. Mahirap maging mahirap lalo na pag mag-isa ka lang.


Unfair talaga ang mundo. Unfair na unfair. Oo, swerte ako kasi hindi ako katulad niya.... pero hindi ako natutuwa dahil lang sa swerte ako. Nagpapasalamat, pero hindi natutuwa.


Kung ano na nangyari sa matanda, hindi ko na alam. Hindi ko rin naman siya nakita ngayong araw dahil late ako. Pero I'm sure sa ibang mga araw makikita ko na naman siya. Magdadala na kong extrang sandwich para sa kanya.


P.S.


Habang isinusulat ko ito, naiiyak na naman ako. P*tangina talaga.

1 comments:

Unknown on September 28, 2011 at 10:46 PM said...

Shocks, naiyak ako. Isa sa pinaka-malaking fear ko ang maging mag-isa...

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
 

Pink Manure Copyright © 2010 Design by Ipietoon Blogger Template Graphic from Enakei