Thursday, September 22, 2011
Sa MRT lang may tunay na EQUALITY!
Ayoko sa MRT.
Mabilis nga, siksikan naman. Wala ngang traffic sa kalsada, makikipagbalyahan ka naman sa mga tao para lang makapasok.
Sino sa atin ang walang horror story sa MRT? Yung walang masamang karanasan? Lahat na ata tayo nagkaron ng di malilimutang karanasan sa uri ng transportasyon na ito. Isa na ako dun.
Hangga't maari, iniiwasan ko talagang sumakay dito. Isa ako sa mga taong nagtitiis ng traffic dahil alam kong kapag sumakay ako ng MRT, yung pagod at stress na mararamdaman ko ay kapantay lang ng mararamdaman ko sa traffic. At isa pa, hindi naman laging traffic sa EDSA pero laging siksikan sa MRT.
Ngunit sa di inaasahang pagkakataon, dahil sa di maiiwasang pangyayari, kinakailangan kong mag-MRT. At doon, nagbago ang tingin ko dito.
Hindi, hindi ako nakumbinsi na mas okay dito. Pero namangha ako sa isang katotohanang tungkol sa mga MRT na kadalasan ay nasasapawan ng irita at inis ko sa mga taong sumasakay dito.
Malamang hindi mo rin ito napapansin, ngunit sa MRT... dito mo makikita ang tunay na pagkakapantay-pantay ng mga tao. Maliban sa coach na pambabae lamang, sa MRT mo mararamdaman ang tunay na "equality".
Naalala ko yung sinabi sa amin ng teacher namin sa history nung highschool pa lang ako. Sa sobrang disappointment ko, hanggang ngayon naalala ko pa rin ito. Ganito ang sinabi niya, "Gusto ng mga babae ng equality? Sige, pasabitin mo rin sila sa jeep!" Nagulat ako. Ganun ba kababaw ang tingin nila sa gender equality?
Same opportunities. No discrimination. Hindi ba ganun ang meaning ng gender equality?
Naisip ko, choice naman ng babae kung sasabit siya o makikipagtulakan sa MRT-- kahit naman ngayon pwede niyang gawin yun.
Ang hinihingi namin ay yung hindi mag-iba ang tingin sa amin dahil dito. Yung hindi pagtatawanan at hindi iisiping kakaiba yun... kasi ang pagsabit sa jeep, ang pakikipagsiksikan at pagtayo sa MRT ay normal na ginagawa ng mga tao. Bakit kapag babae ang gumagawa ay napakalaking issue na nito?
Nung tinanong ko ang lalaki kong kaklase tungkol sa sinabing ito ng teacher namin, hinangaan ko ang sagot niya. Ang sabi niya, "Hindi naman dapat ganun. Oo nga, dapat pantay pantay pero dapat hindi pa rin nawawala ang respeto."
Sa MRT lang nagiging pantay ang lahat. Hindi ba't dito ka lang nakakakita ng mga mayayamang nakikipagsiksikan sa mga mahihirap? Hindi ba't dito ka lang nakakita ng mga lalaking nakikipagtulakan din sa babae? Hindi ba't dito ka lang nakakita ng mga taong nagtutulog-tulugan para hindi mapaupo ang matandang nasa harap nila? Sa MRT, nabubura lahat-- walang antas ng pamumuhay, kasarian o edad ang mga tao, minsan nga pati ang magandang ugali nila ay nabubura din.
Naniniwala ako na sa MRT lang nagiging pantay ang lahat ng tao. Pero ayoko pa rin sumakay dito.
Mula dito ang larawan.
Categories
Inidoro
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comments:
Sa MRT may tunay na EQUALITY!
Post a Comment